Translate

Thursday, September 1, 2016

Ang kuwento ni Filemon Mamon sa paglalahad ni Althea




Agosto na naman...ibig sabihin buwan na naman ng wika.
Sa mga paaralan saan mang bahagi ng Pilipinas...hindi mawawala ang talumpatian.
Pinalad na mapili si Althea, ang aming panganay na anak upang magbasa ng isang maikling kuwento.

Sa naturang patimpalak, tiningnan kung mahusay siyang makapagbabasa, at papakinggan ng mga mga magaaral na nanonood at higit lalo't sa mga huradong guro.

Hindi ito ang unang beses ni Althea sa paglahok sa mga paligsahan. Ngunit noong nakaraang taon, nakasali at nanalo ito sa isang tula.

Ngayon nagkaroon siya ng pagkakataon na magbasa ng kuwento tungkol sa isang matabang bata na ang pangalan ay si "Filemon Mamon."



Bilang paghahanda para sa kumpetisyon, ilang araw din siyang nagsanay. Bukod ang ginagawang pagsasanay niya sa eskwelahan kasama ang kanyang guro at maging sa aming tahanan kapiling naman ang kanyang ina.
Nagkaroon din naman ako ng pagkakataon na marinig ang kanyang pagbabasa, at nagbigay din ng ilang suhestyon kung pano higit na mapabubuti pa ito.

Tinuruan namin siya ng tamang pagbaybay at pagbigkas ng mga salita, kasama rin ang ilang mga kaaya-ayang galaw upang aliwin at makuha ang atensyon ng mga manonood na magaaral at mga huradong guro.

Hindi gaya ng mga nagdaang patimpalak, walang malaking manonood na nakinig. Ginawa lamang kasi ito sa isang klasrom.
Medyo iba ngayon, hindi lamang galing sa iisang baytang ang mga magtutunggalian, sa madaling salita, makakalaban rin niya ang iba pang mga magaaral sa ikatlo at ikaapat na baytang ng naturang eskwelahan.

Naging basehan ng mga hurado ang mga sumusunod sa pagpili ng magwawagi...

Mga Pamantayan sa Pagkukuwento

Paraan ng Pagkukuwento 35%
Kalidad ng tinig 25%
Pagbibigay kahulugan 30%
Dating sa madla 10%
Kabuuan 100%

Sa kabuuan, may siyam na kalahok na nagtunggalian.
May mga kani-kaniyang paraan ng pagku-kuwento.
May mahina at halos hindi marinig ang boses, may ubod ng lakas, mayroon ding isinama ang mga manonood sa pagkukuwento, ang iba nama'y kinabisado ang buong kuwento, may umawit din at sumayaw upang makuha ang atensyon ng mga hurado at nakikinig.

Bagama't may iba't-iba silang istilo, si Althea naman ay gumamit ng mga visual aids sa kanyang kuwento gaya ng larawan ni Santa Klaus, Andres Bonifacio, Prayle, mga ulam na gaya ng adobo at lechong paksiw, mga junk food at softdrinks at siyempre ang bida sa kuwento na si ..."Filemon Mamon!"



Siyempre, bukod sa mga guro na nagorganisa ng patimpalak, naroon din ang mga magulang na todo ang suporta sa kanilang mga anak.




Pero papahuli ba naman kami, kami ang ilan sa mga magulang ng mga batang naniniwala na ang presensiya namin sa naturang tunggalian ay makakatulong ng malaki upang palakasin ang loob ng aming anak.



Matapos marinig ang lahat ng mga magaaral, dumating na ang paghahatol.
Nakakatutuwa na pinalad na makuha ng aming anak na si Althea ang ikatlong puwesto, samantalang nagwagi naman ang isang katunggali na galing sa ikaapat na baytang, at ang pangalawang puwesto ay nakuha naman ng ikatlong baytang na magaaral.
Bagama't nalungkot si Althea na hindi nito nakuha ang unang parangal, sinabi na lang namin na mayroon pa namang susunod.
Hindi kasi nito maitago ang pakiramdam na sa mga nagdaang sinalihang kumpetisyon lagi nitong inuuwi ang unang parangal.



Pero bilang magulang naunawaan din namin siya.
Ang sa amin din kasi, marahil mas mainam kung magkakaparehong baytang ang nagtunggalian sa pagbabasa ng kuwento.
Dahil sa totoo lamang po, tunay na makakakuha ng lamang o puntos ang lalaban na nasa mataas na baytang dahil sa edad nito at lawak na rin ng karanasan sa pagsali sa mga labanan.



Ngunit, salamat pa rin at nakuha nito ang ikatlong puwesto at malaki ang aming pasasalamat sa kanyang guro na si Mam Edelyn DueƱas na nagturo at nagbigay ng suporta sa kanya hanggang sa huli.




"Natutuwa kami sa iyong tagumpay Althea...ang mahalaga may bago ka na namang karanasan na magagamit mo sa susunod 
mong haharaping laban.
Kami ng iyong ina na si Meanne ay tunay na maligaya sa iyong tagumpay.
Muli, ang aming masayang pagbati!"