Kung may kuwento ng pagibig tungkol kay Romeo at Juliet,
at maging si Samson at Delilah...magpapahuli ba naman tayong mga Pinoy, tayo rin may sariling bersyon..."Si Malakas at Si Maganda."
Ito yung kuwento na katumbas ni Adan at Eba mga unang tao na nilikha ng Panginoon.
Pero pano kung dagdagan natin at gawing..."Si Malakas, Si Maganda, Si Mahinhin?"
Naguguluhan ka na ba?
Yung tinutukoy ko rito ay ang pelikula sa direksyon ng batikang direktor na si Danny Zialcita.
Pinagbibidahan ito ng mga kilalang artista noon na sina Elizabeth Oropesa bilang (Si Malakas) na gumaganap na isang T-bird at may gusto kay Alma Moreno (Si Maganda) bilang Candy. At ang aktor na si Dindo Fernando (Si Mahinhin) bilang isang Bakla na si Billy.
Pagkatapos kung masaksihan ang "Ang T-bird at Ako," na nasa ilalim rin ng direksyon ni Zialcita, naghanap pa ako ng iba pa niyang ginawang pelikula. At sa aking pagsasaliksik natuklasan ko pa ang isa niyang kagila-gilalas na obra.
Tagumpay na nagawa niya noon na T-bird ang Superstar na si Nora Aunor. Ngayon naman isa muling sensitibong paksa ang kanyang tinalakay at isinapelikula na sinamahan niya naman ng baklang katauhan na ginagampanan naman ng aktor na si Dindo Fernando.
"Ang titser namin ay Bakla"
Nagsimula ang kuwento sa isang eskwelahan may mga estudyanteng tutok sa kanilang sinasagutang na eksam.
Makikita ang bidang artista na si Dindo Fernando o Billy na matiyagang binabantayan ang kanyang mga estudyante.
Sa susunod na eksena, ipinakita na agad ang tunay na karakter ni Billy na isang Bakla na nahuli ng isang Ama ng estudyante na may ginagawang kalaswaan sa isang tagong parte ng silid-aralan.
Pinalayas ng taong bayan sa kanyang probinsiya na tila may nakahahawang sakit.
Isang eksena na talagang ramdam mo ang atake sa paghamak sa sekswalidad ng isang tao.
Madarama mo yung sakit sa damdamin nung pinagtabuyan ito ng taong bayan lalo na yung pinukol siya ng kamatis sa mukha. Parang bukod dun sa sakit na naramdaman ni Billy ng madurog ang kamatis sa mukha nito...mas doble pa ang sakit nito ng hamakin at ipagtabuyan siya ng taong bayan dahil nagkamali ito.
Sa unang bahagi pa lang ng eksena ng pelikula sapul na agad ang emosyon...ang buong simpatiya sa bida natuon.
Angat na angat ang mga paksang may kinalaman sa paghamak sa sekswalidad ng isang tao na isang Bakla.
Bago ng eksenang pagpapalayas kay Billy ng taong bayan, sa kanilang pulong mabibigat na salita at paghamak sa sekswalidad nito ang binitiwang diyalogo..."Ang binabae ba pwedeng magkanaak? Paano sila dadami?!
"Siguro nung nagsabog ng katalinuhan ang Panginoon, nandun ka sa likod ng Pader?"
Dayalogo ito ni Billy nung kausap nito ang isang boy sa isang hotel ng magtanong ito ng lugar kung saan pwedeng maghanap ng ligaya.
Na parehong-pareho sa binigkas na diyalogo ni Jane sa parehong boy ng hotel..."Siguro nung nagsabog ng katalinuhan ang Diyos, natutulog ka no?"
Bago nito galing ang dalawa sa isang Bar si Billy sa Gay bar at si Jane sa isang Beer house naman.
Si Mahinhin naghahanap ng Lalaki at si Malakas naghahanap naman ng babae.
Dito nagsimula ang pagtatagpo ng dalawang karakter na nagkakilala nung tulungan ni Jane at alukin na sa kanila na lamang tumuloy matapos na itong maholdap.
Isang pagtatagpong kakaiba na sa palagay ko hindi mangyayari sa tunay na buhay.
Ang aking pakiwari dito hindi mo ibibigay ang iyong tiwala ng ganun kabilis sa taong hindi mo kilala o kakikilala mo pa lang.
Pero nangyari sa pelikula.
"May Bunay si Manay"
Nakakaaliw ring panoorin ang pelikula sa pagsulpot ng mga kilala ring artista na umekstra para maipakilala pang higit ang karakter ng mga bida.
Si George Estregan, na unang naging amo ni Billy sa pelikula.
Si Rudy Fernandez na ginagampanan ang mismong sarili, isang aktor na nagpapagawa ng damit kay Billy para sa dadaluhan nitong Famas awarding night.
Ang aktres na si Liza Lorena naman na gumanap na isang kustomer na nagsukat sa tindahan ng damit ni Jane.
At ang aktibong aktor pa rin hanggang ngayon na si Mr. Eddie Garcia sa kanyang dayalogong paawit na sinambit..."May bunay si Manay."
Isang reaksyon na ipinakita nito matapos isiwalat ni Jane sa kanya ang tunay nitong sekswalidad.
Na masasabi ko talagang very Manoy, at memorable.
"Dito ba nakatira si Jane?
Oo matagal na. Sino ka?
Pinsan niya.
Pinsan niya hindi mo alam dito siya nakatira?"
Unang pagtatagpo noon ito ni Alma Moreno (Candy) at ni Billy sa tirahan ni Jane...ang pangatlong bidang karakter sa Pelikula na gaganap bilang "Si Maganda."
Mahirap lamang si Candy isang dancer sa Club at minsan ay free lance model, bread winner ng kanyang pamilya kaya susubok ng lahat ng trabaho at kalauna'y kakapit sa patalim para matulungan ang kanyang pamilya.
Ang karakter niyang ito ang maguugnay sa kanila ni Jane na isang T-bird nga na magkakagusto sa kanya.
Lumalabas sa pelikula na si Jane ay isang babaerong Tibo dahil bago pa man sila ni Candy, naka-relasyon na niya ang may asawa ngunit hindi makuntentong si Suzzane Gonzales na si Julie.
Muli isang sundot sa reyalidad na may ganitong uri ng relasyon sa ating lipunan.
Sa isang eksena kung saan ibibigay na ni Candy kay Jane ang pagkakababae nito kapalit ng hinihiram na limang libong piso...darating si Julie at mahuhuli sa akto ang dalawa.
Sa eksenang ito mababago ang pananaw ni Candy hahanapin at babalikan nito si Joey ang 'di umanoy boylet ni Billy.
Ang hindi inaasahang eksena magpapakasal ang dalawa at si Jane at Billy mismo ang mga tatayong Ninong at Ninang ni Candy at Joey.
"Gee your hair smells..."
Parehong bigo at nagdurugo ang puso ni Billy para kay Joey at si Jane kay Candy...isang eksena sa kanilang silid ang hindi inaasahang magaganap.
Masahe na nauwi sa pagtatalik.
Parehong unang beses ng dalawa si Jane na alam nating isang T-bird at si Billy naman na isang Bakla.
"Hoy Jane, if you don't come here...I'll commit suicide.
Walang lihim na hindi nabubunyag. Paguwi ng dalawa galing sa isang bakasyon, naabutan nilang bukas ang pinto...nasa loob pala si Julie galit na hinihintay si Jane.
Mahal mo ba ako? Tanong ni Julie kay Jane.
Mahal mo ba siya? Oo. Tugon ni Jane.
Pabirong sisingit ng dayalogo si Billy at sasabihing pwede naman tayong tatlo...mapaguusapan naman natin ito.
Pero galit na si Julie na noon ay may hawak na punyal...sasaksakin ang sarili.
Sumunod na eksena, burol na ni Julie.
Inalis na ang eksena na magkakaron ng imbestigasyon sa kaso ng tunay na pagkamatay ni Julie. Isang mabilis na phasing.
"Sinong Bakla I beg your pardon"
Bago pa magpatiwakal si Julie nakipagkita muna si Jane sa kanya. Alam ito ni Billy na noon ay naghanda ng hapunan by the "candle light," set-up.
Pero magtatalo ang dalawa dahil gabi na ng dumating si Jane. Tatabigin ni Billy ang baso ng wine at mababasag at saka tatalikod.
Hoy Bakla! Nasambit ni Jane.
"Sinong Bakla? I beg your pardon!"
Galit na tugon ni Billy sabay panik ng hagdan.
Sa kuwarto, isang make-up sex muli ang magaganap. Ipinapakita ng pelikula na lumalago na ang relasyong nararamdaman ng dalawa sa isa't-isa.
"Buntis ako. Pano nangyari yun?"
Sa isang kantina, nagkita ang dalawa at ipagtatapat ni Jane kay Billy na buntis ito.
"Buntis ako. Sabi ni Jane kay Billy.
"Pano nangyari yun?" Tugon naman niya.
"Babae ako, Lalake ka!"
"Will you marry me?"
Dayalogo na sasambitin ni Billy kay Jane.
"It's a boy!"
Nagbunga ng batang lalaki ang pagmamahalan ni Jane at Billy.
Ipapakita sa pelikula ang pagbabagong magaganap sa dalawang pangunahing karakter.
Si Jane magiging ganap na babae na samantalang si Billy ay hindi na Bakla ang kilos at galaw.
Nagdesisyong maghanap ng mas mainam na trabaho si Billy para mabuhay ang kanyang pamilya samantalang nanatili namang nakatutok si Jane sa pagaalaga ng kanilang anak.
"Jane has Leukemia"
Namumutla at laging nahihilo si Jane. Ilang linggo na itong pabalik-balik sa Ospital at kumukunsulta sa kanyang Doktor.
Dito malalaman ni Jane na may Leukemia ito at may taning na ang buhay.
Pero hindi muna agad na ipapaalam ni Jane ang kalagayan nito sa kanyang asawa.
"Merry Christmas"
Mula sa isang komikal o hindi seryosong tema sa simula ng pelikula...magiging seryoso ito habang patungo na ang pelikula sa kanyang pagtatapos.
Bagay na mahirap din gawin sa isang pelikula, ngunit naging madali naman para kay Zialcita.
Bagama't karamihan sa mga manonood ay naghihintay ng masayang pagtatapos...babaliin ito ni Zialcita.
Nakakagulat dahil masasabi ko na isa ako sa mga nagaasam ng masayang pagtatapos.
Pero dahil sa tingin ko mature na ang mga piling manonood ng pelikula...tatanggapin ng karamihan ang ganitong uri ng pagtatapos.
Sa totoo lang mahirap sambitin ang dayalogo na "Merry Christmas," na malungkot ka o hindi ka masaya...pero naging makabuluhan ang pagsambit nito ng dalawang pusong hirap tanggapin ang mapait ma katotohanang sinapit ng kabiyak ni Billy na si Jane.
"Kung anu-ano pa"
Marami akong napansin na eksena na marahil ay talagang sinadya upang maipakilala ng higit ang mga pangunahing karakter at sumusuportang mga aktor at aktres.
Si Jane isang seksing T-bird na sa tuwing matutulog ay naka-suot lamang palagi ng panty at manipis na sando at walang suot na bra.
Paminsan nga ay halos makita na ang utong ng suso nito.
May limitasyon ang pagpapakita ng katawan ni Dindo Fernando bilang Billy, madalas top less o walang suot na pang itaas lamang ito.
Nakabuyangyang ang nakaumbok na ari ni Joey habang surpresang binisita ito ni Candy na noon ay natutulog sa isang duyan.
Hindi na kinailangan din ni Dindo Fernando na ipakitang nakikipaghalikan ito sa kapwa lalake para sabihing bakla siya.
Pero hindi tinangggihan ang eksena ng mga torid kissing scene o laplapan ng halikan nila ni Elizabeth Oropesa.
Pero sa kabilang banda, kailangang gawin ito ni Elizabeth Oropesa o Jane kay Alma para ma-justify na T-bird ito.
Na pu-pwedeng sabihin natin na nagbigay ng limitasyon si Dindo Fernando sa karakter niya kay Billy sa pelikula. Hindi gaya ni Jane na halos walang limitasyon.
May mga dayalogo si Dindo Fernando na patula ang pagbigkas nito sa kanyang linya. Makikita ito sa huling bahagi ng dayalogo nito kay Jane habang sinasambit ang mga linyang..."Bakit ikaw?
Bakit hindi ako?
You're supposed to be the strong one."
Sa huling bahagi, tila iiwanan ka nito ng tanong kung mabubuhay ba o hindi ang karakter ni Jane?
Pero kung susuriin sa dayalogo ni Jane at ng kanyang Doktor lumalabas na hindi na magtatagal ang buhay nito.
Sa huling bahagi ng rebyu, nais ko lang iparating sa karamihan na hindi naman masasayang ang panahon o oras na iginugol mo sa panonood ng pelikula dahil buhay na mga karakter ang naroon na alam naman nating hanggang ngayon ay nangyayari sa tunay na buhay.
No comments:
Post a Comment