Translate

Saturday, August 9, 2014

Rak of Aegis: The Musical Play Review

Si Tolits at si Aileen
Picture courtesy of agimat.com
Mahilig akong manood ng mga pelikula, pero madalang na magawi sa isang teatro para manood ng play.
Una, kasi baka masayang lang ang pera ko dahil baka hindi nito maabot ang mga ekspektasyon ko.
Pangalawa, nasanay ako na ang mga pinapanood ko ay mga sikat na artista.
Pero ngayon aaminin ko sumugal ako.
Sa tingin ko bentahe ng musical play ang naka-titulong pangalan ng "Aegis." E pano nga namang hindi, magku-kuwento ang play nang isang istorya hango sa kanta ng mga popular na lokal na banda.

"ANG BUOD NG KUWENTO"

Iikot ang istorya sa mga binahang residente ng Villa Venizia. Ayon sa takbo ng kuwento lumubog sa tubig ang kanilang barangay magbuhat ng may itinayong bagong subdivision na malapit sa kanilang lugar...hindi na humupa ang baha na inabot na ng mahigit ng tatlong buwan.
Dahil sa pangyayari, nagkaron na nang sakit ang ilan sa mga residente at higit sa lahat namatay ang pangunahing pinagkukunan nila nang ikinabubuhay...ang paggawa ng mga tsinelas at sapatos.
Dito ipakikilala ang pamilya Maranan sa katauhan ni Mercy, Ang asawa nitong si Kiel at ang kanilang anak na si Aileen kasama ng iba pang apektadong residente ng barangay.
Iniisip noon ni Aileen na maiaahon niya ang kanyang pamilya kung gagawa ito ng video na ia-upload sa youtube habang kumakanta sa binahang lugar nila. Ngunit tila umaayon sa kanya ang kapalaran maraming likes ang nakuha ng bidyo dahilan para makilala ang kanilang lugar. Dahil dito naisip niya at ng ilan na magdaos ng konsyerto sa kanilang barangay at ang kikitain nito gagamiting pondo para ipaayos ang kanilang health center at upang makapagipon na rin ng pera upang matulungang makapagtayo ng negosyo ang kanyang Ama.
Ngunit magiiba ang ihip nang hangin, huhupa ang baha na siya ring magiging dahilan para hindi na matuloy ang naunang nabanggit na plano.
Pero sa kabilang banda, mapag-aalaman nila na ang sagot ay wala sa baha kundi sa kanilang pagkakaisa.
Imbes na isang konsyerto, magtatanghal ang mga residente para ipakita at ipagmalaki ang mga magagandang disenyo ng mga bagong likha nilang tsinelas, bota, at sapatos.
At kasabay ng naglahong baha...uusbong muli ang bagong pagasa.

Ang pagtatanghalang entablado
Kuha ang larawan bago magsimula
ang Rak of Aegis

ANG KABUUANG DISENYO NG SET

Sa entabladong pagtatanghalan hindi isang malinis at maunlad na barangay ang makikita. Bagkus ay mga simpleng bahay lamang na gawa sa yero at kahoy na napapaligiran ng tubig. Sapat na ito para maunawaan ng mga manonood na ang mismong itsura ng lugar ay may malaking bahagi sa kabuuang kuwento.

Hindi babaguhin ang lugar, bagamat may tatlo pang lokasyon na makikita sa pagusad ng kuwento...sa mismong entablado naroon din ang health center, supermarket at condo ni Don Fernan.

Hindi lamang mga binubuhat na bangko o lamesa ang makikitang iniaakyat sa entablado, ang mga tao mismo magiging props na gumagalaw at aarte. Bagay na lalong nagpapaganda ng play.
Isa sa mga kapuna-punang eksena ay ang mga sumasayaw at gumagalaw na taong Christmas Tree sa loob ng kunwari'y department store.
At upang mas maramdaman ang tubig na hindi humuhupa sa kanilang lugar...makikita ang isang maliit na bangka.

Maliit lamang ang entablado ngunit sa galaw ng mga aktor tagumpay na naipakita na hindi mo mararamdamang na may limitasyon sila.
Marahil ay hindi lang ako ang nagiisip na baka magkamali sila ng galaw at mahulog sa kunwari'y likhang baha.
Ngunit dahil bihasa ang mga aktor walang aksidenteng naganap sa loob ng teatro habang sila ay nagtatanghal.

MAKABAGONG PARAAN NG PAGHABI NG KUWENTO

Tagumpay ang manunulat sa paggamit ng mga bagay na uso o napapanahon ngayon.
Sa paglalahad ng istorya, gumamit ito ng pinaka-epektibong paraan gaya ng cellphone, internet at isang sikat na website gaya ng youtube.
Malaking bahagi rin ang paggamit ng LCD bilang telebisyon at signage upang higit na maunawaan ang paggalaw ng kuwento.
At mga paminsan-minsang mga usong salita gaya ng "Boom panes," bilang pamosong ekspresyon ngayon.

MGA KAPANA-PANABIK NA EKSENA

Isa rin sa mga ipinakilalang suportang tauhan ay ang karakter ng bangkerong si "Tolits."
May lihim itong pagtatangi sa bidang aktres na si Aileen.
Isang bangkero na may ekspresyong balat ingles ang mga banat na biro.
Hindi makakalimutan ang eksena nito kay Aileen habang umaawit sila "Sinta."
Upang mas higit na matandaan ang eksena...lalabas ang iba pang mga tauhan kaniya-kaniyang puwesto para lumikha ng ubod ng lalaking mga bula o bubbles, dahilan para maging lalo pang romantiko ang dating ng eksena.
Hindi tuloy magkamayaw ang mga tao sa nakita nilang paghanga habang nanonood noon, kaya naman isang masigabong palakpakan ang naging kapalit ng mahusay na pagtatanghal.

Sa kabilang banda, kahanga-hanga rin ang eksena ni Kenny isa rin sa mga tauhan sa kuwento.
Si Kenny ang kasalukuyang kasintahan ni Aileen pero sa eksenang ito tila nagkakaron ng problema ang dalawa sa kanilang relasyon. Kaya naman angkop na gamitin ang isa pa sa kilalang awitin ng Aegis ang..."Bakit? (Ako ngayo'y Hate Mo.)
Kagaya ni Aileen hindi pahuhuli at patatalo ang pwede sa "Pop" at "RNB" na boses  ni Kenny.
Malakas, malinaw at maganda ang boses nito.
Parang mapapaisip ka tuloy  at sasabihing...ang galing 'san nanggagaling ang boses niya.

Si Jewel
Picture courtesy of radikalchick.com

Hindi rin malilimutan ang baklang karakter ni "Jewel," na tila isang surpresang sangkap kaya mas lalong naging kapana-panabik ang panoorin.
Ang eksena nito sa isang bidyokehan kung saan pilit na sinasabi niyang mababa ang pitch ng boses nito kaya inuulit-ulit niya ang pagkanta hanggang sa makuha ang mataas at tamang nota para sa kanya.
At siyempre ang klasikong pagawit nito na "doblekara," boses babae at boses lalaki sa pagbirit niya naman ng awiting..."Sinta."

Pero numero uno sa aking listahan at sa tingin ko kinabog nito ang tambalang "Sarah Geronimo at John Lloyd Cruz" pati na si "Kathryn Bernardo at Daniel Padilla," ang tambalang "Tolits" at "Aileen!"
Napaka-romantiko nang atake nila sa kanilang mga karakter habang inaawit naman ang isa pang sikat na kanta ng Aegis ang..."Mahal na Mahal kita!"
Hindi ko inaasahan ang pagsulpot ng mga "Sunflowers," sa kanilang paligid na may mga ilaw pang nakatutok. Aangat ito nang dahan-dahan na tila isang direktang pagpapakita nang paglago ng pagibig ni Aileen kay Tolits.
Isama mo pa ang napakalaking "Puso," na puno ng mga bulaklak na lalong nagpatingkad ng eksena ng dalawa.
Parang ano ulit ang sinabi ng mga totoong bulaklak sa paligid ng mga bidang artista sa pinilakang tabing...di ba wala? Kasi kahit hindi totoo yung mga sunflowers nagmukhang buhay talaga.
Two thumbs up ako dun!

Picture courtesy of radlontoc.blogspot.com

MALINAW ANG MENSAHE

Hindi ko alam, pero pwede ko sigurong sabihin na ang istorya ay humugot ng inspirasyon sa nagdaang kalamidad na pinagdaanan nating mga Pilipino sa Pilipinas.
Kuwento kung saan makikita mo sa isang banda ang iyong sarili, mga pinagdaanan mong hirap, pano ka nagpakatatag at lumaban, maging kuwento mo rin at ako nung tayo ay nabigo at muling nagtagumpay sa ating mga pagsubok sa buhay.
Iba nga lamang ang atake dahil bukod sa mga dayalogo gamit natin ang isa napaka-popular na libangan nating mga Pinoy...ang pagawit.
Oo mahal yung presyo ng tiket, pero kung uuwi ka namang masaya, higit pa yun sa halaga ng binayaran mo.
Napakayaman ng ating sining.
Napakahusay ng mga Pinoy!
Alagaan natin ang ating sining at sundan pa ng marami pa.
Hindi dahil gusto natin na may mapatunayan tayong lahat kundi dahil talaga namang "World class" o hindi matatawaran ang galing ng mga Pilipino.
Hay, lalo tuloy akong naging "PROUD" maging PINOY!
PINOY RAK!


Kuha sa labas ng tanghalan ng PETA matapos ang pagtatanghal









No comments:

Post a Comment