Dalawang sunod na araw na akong nahuhuli sa trabaho sa linggong ito.
Yung una kong experience nagsimula nung Miyerkules, kung saan dinanas ko yung sa hagdan pa lang ng MRT3 nakapila na ako.
Wala pa ako sa platform nun ha, tapos nung nasa kuhanan na ako ng magnetic card, dagdag pasakit na oras ng trenta minutos ulit.
Gaya ng maraming nakapila ubos na ang "Stored Value Ticket," na binili ko.
Nagkataon naman at dagdag inis talaga, hindi na sila nagbebenta nun.
Dahil nga ito sa nalalapit na implementasyon o paggamit ng "Tap and Go," na Beep Card na sisimulang ikasa sa a-tres ng Oktubre.
Wala talaga akong choice kundi magtext sa opisina at mga kasamahan ko na hindi talaga ako aabot.
Nung nakapila ako, iniisip ko na ang mangyayari kinabukasan. Dahil ayoko ng maulit yung patagalan sa pila na naranasan ko, naisip ko na bumili na lang ng isa pang "Single Journey," na ticket.
Ang sabi naman kasi ng isang pasaherong nakausap ko, 24hours naman daw ang expiration nun.
Kinabukasan, Huwebes sinubukan kong ipasok yung single journey na magnetic card nga, ayun ang lumabas na notice..."Ticket Rejected!"
Ayun, balik pila na naman ako. Kibit-balikat ko na namang tiniis ang pagpila.
Kanina naman, sa takot ko na maulit na naman ang hindi magandang karanasan ko sa pila sa MRT,
hindi na ako bumaba ng Bus. At mas pinili ko na lang na magbiyahe sa Edsa.
E kasi naman, malayo pa kita na ang haba ng pila ng mga tao paakyat pa lang ng hagdan.
Akala ko, naging matalino na ang napili kong desisyon. Pero, yung iniisip kong biyahe na mabilis sakay ng Bus sa Edsa ay inabot ng isang oras mahigit din.
Ano pa nga ba? Hindi na naman ako umabot sa trabaho ko...at kahit na grace period nagamit ko na rin.
Hindi ko alam kong tama na sabihin na, mas mainam pa rin talagang sumakay ng MRT kaysa sa Bus.
Pero, "Tried and Tested," na rin kasi na nakukuha ko ang biyahe papuntang Shaw Blvd. galing sa North Avenue station ng mga 15-17minutes lang. At kung ikukumpara mo naman sa biyahe sa Bus
mula sa North Edsa hanggang Shaw Blvd...mahigit isang oras.
Napapakamot na lang ako ng ulo sa sobrang pagkayamot ko.
Pero, isipin natin ha na talagang ganito na kalala ang problema natin sa transportasyon sa Metro Manila.
Karamihan pa naman sa atin dependent sa MRT, kasi nga mabilis.
Pero, hindi rin kasi nga hindi naman agad umaalis ang bagon nila pagbukas ng pinto ng tren.
Minsan tumatagal pa ng hanggang 15minutes bago umalis.
Parang terminal ng mga Bus kapag nagba-biyahe sa Edsa.
Ganun siya katagal.
Hindi pa kasama diyan ha yung, ibang abala gaya ng paghinto ng tren kasi may isa pang tren na hindi pa makaalis ng istasyon. At kung anu-ano pa.
Ang hubad na katotohanan wala ni isa sa mga ito ang mabuting sakyan. Kung nagmamadali ka at nais mong sumagip ng buhay, dahil sa mabagal na usad ng mga sasakyan sa Edsa...malalagutan ng hininga ang taong minamahal mo.
At kung lagi mo namang iaasa sa MRT ang sa tingin mo ay mabilis na biyahe mo papunta sa iyong trabaho...sigurado lagi kang mali-late.
Sa halimbawang ibinigay ko, bahala na kayong pumili.
Pero kung ako sa inyo, kung may helicopter kayo...yun na lang ang sakyan ninyo.
No comments:
Post a Comment