One time, nagawi ako sa isang store ng mga pelikula tapos nakita ko ang isang pabalat na cover ng DVD na may larawan ni Nora Aunor at Vilma Santos na may titulong "T-bird at Ako," ang catchy kako ng pamagat at mura yung DVD so binili ko.
Sa kanilang dalawa walang higit na nangingibabaw o paborito ako, ang sa akin lamang ay basta maganda ang kanilang pelikula...ano man ang tema o ginagampanan nila panonoorin ko.
Alam ko dalawang malaking star ang nasa pelikula kaya marahil ito rin ang nagdala sa akin ng interes na panoorin ito.
Grabe daw ang rival ng Nora at Vilma noon lalo na nung kanilang kasikatan. Kaya nga may mga "Noranians," noon o mga tagahanga ni Nora Aunor at ang bansag na "Vilmanians, " naman para sa mga tagasunod ni Vilma Santos.
Tapos noon daw ang mga movie goers ay nahahati lamang sa dalawang kategorya mga Noranians at Vilmanians nga. Kaya siguro may nakaisip na producer na pagsamahin ang dalawa sa pinakamalaking artista ng dekada sitenta.
Sa umpisa pa lang para walang maging problema doon sa kung sino ang malaking artista, pumapangalawang artista...aba puno yung OBB ng pelikula ng pantay na pangalan ni Nora at Vilma. Valid nga naman ang reason dahil pareho sila nung kanilang henerasyon na mga malalaking artista at walang usapin sa kung sino ang pinakasikat at suportang aktres.
Dito challenging yung role na ibinigay sa parehong artista, si Nora isang mahusay na abogado na kumakatawan sa titulo ng "T-bird. At si Vilma naman ay isang hostess na nagta-trabaho sa Club, na kumakatawan naman sa karugtong na titulo ang "Ako."
Kahanga-hanga ang pagdadala ng bawat isa sa kanilang character milya ang layo sa katulong o "Atsay," na role ni Nora Aunor na ngayon ay isang mahusay na abogado na ipinagtatanggol si Vilma.
Bumagay rin ang pagdadala ng role ni Vilma na mahusay naman na entertainer, yung ganda niya at kabataan ang higit na nagbigay ng hustisya sa katauhang ginagampanan niya.
Nagustuhan ko yung istorya ng pelikula lalo na yung paraan ng bawat character sa pagbitiw ng mga linya...matalas at matatas mga magsalita. Parang hindi uso sa movie yung hindi ka pilosopo.
Pero parang sumobra naman kasi nga parang halos lahat ng character pare-pareho kung magbitaw ng linya. Pero si Vilma may eksena na intact siya sa character niya gaya nung nasa court room sila at ka-eksena nito si Tommy Abuel yung part kung saan tinatanong niya kung ano ang ibig sabihin ng "white blood corpuscels," na mukha talaga siyang mangmang o walang pinagaralan.
At malaking bahagi ng role niya yung mahusay na pagsasayaw ni Vilma sa isang club ng "body language." Kahit ako nadala sa eksena, si Nora pa kaya at ang role na ginagampanan nito sa pelikula.
Nagustuhan ko yung atake ni Nora sa role niya bilang T-bird kasi mararamdaman mo talaga na may dating sa kanya ang pagsasayaw ni Vilma kaya tuloy kahit na nasa Alaska siya pinagpapawisan siya ng malapot. Ito yung pabirong dayalogo ng kanyang associate na si Suzanne Gonzales sa karakter ni Vilma, sa kanyang pagtatanong kung ano ang feeling ng taong in-love.
Gusto ko rin yung atake ng karakter ni Tommy Abuel na isa ring abogado at may pagtatangi na makuha ang pagibig ni Nora. Bibilib ka sa pagiging matiyaga nito sa panunuyo kay Nora na ligaw court room ang istilo.
Palagi kong maaalala yung linya niya na... "gusto ko paghaharap ka na sa akin babae ka, damit babae at pusong babae."
Na ang twist pala sa dulo babaliin yung titulo na "T-bird," kasi nga bahagi ng kabuuang kuwento na mababago hindi lamang ang state of mind ni Nora sa pelikula kundi maging ang gender status nito.
Medyo nakukulangan ako sa bahagi ni Dindo Fernando na maiksi lang talaga pero yung parte niya kasi sa pelikula ang magbibigay ng hustisya bakit nag-hostess si Vilma. Na nagiipon ito ng malaking pera upang mabawi ang naging anak nila na ipinamigay niya sa iba.
Samantalang, nakakatuwa naman yung pagganap rin ni Odette Khan na isa ring T-bird na papatay para sa pagibig sa kapwa babae na kanyang pinaka-aasam-asam.
Sa aking palagay, isang matagumpay na idea ang pagsamahin si Nora at Vilma sa isang pelikula. Isang "What if," na posible pa lang mangyari.
Pero para sa ilang mga hindi nakakaalam...ang pagsasama pala ni Nora at Vilma ay nangyari sa isang pelikula na ang titulo ay "Ikaw ay akin," na katambal naman si Christopher De Leon taong 1978, sa direksyon ni Ishmael Bernal.
Isang hindi mabilang na palakpak at pagsaludo ang ibibigay ko naman kay Danny Zialcita na siyang direktor ng naturang pelikula.
Kahit na sa palagay ko hindi ako pinalad na masaksihan ito 30 years ago...sa tingin ko naman ang appreciation ko sa pelikula ay hindi pa huli.
Saludo po ako sa inyo Sir at sa lahat ng bumubuo rito.
Ang tanong ngayon, magkaron kaya ng interes ang ilan sa malalaking film outfit ng ating henerasyon na pagsamahin muli ang dalawa sa naiiba at challenging role naman?
Hanggang ngayon kasi ay pareho pang aktibo sa pagarte si Nora at Vilma at tunay nga namang walang kupas.
Parang kahit ako kasama ang aking pamilya ay manonood kapag nangyari muli ito.
Picture courtesy of mubi.com |
No comments:
Post a Comment